|
Target: Traffic - Free City
released: Sept. 27, 2007
source: CIO Calapan City
Ito ang isa sa mga hangarin ng Aksyon Agad Program ng administrasyon ni
City Mayor Doy C. Leachon na nakatakdang ilunsad sa okasyon ng ika-100
araw ng kanyang panunungkulan bilang Punong Lungsod ng Calapan sa darating
na ika-8 ng Oktubre ngayong taon.
Layunin ng nasabing programa na mahigpit at mas
epektibong ipatupad ang dati nang City Ordinance No. 96-08 na binalangkas
noong taong 1998, " The Ordinance Providing For A Comprehensive Traffic
Management System In The Municipality Of Calapan By Regulating Traffic On
All Streets And Bridges Within The Municipality And Providing Penalties
For Violations Thereof. "
Dahil sa malaking bulto ng mga pampubliko at pribadong
sasakyan na bumabagtas sa mga lansangan dito sa lungsod, dagdag pa ang mga
‘double parking’ sa ilan sa mga pinakaabalang kalye, nagiging masikip ang
daloy ng trapiko. Umabot na sa 2,700 ang bilang nga mga rehistradong
tricycles sa lungsod bukod pa ang iba’t ibang klase ng pampubliko at
pribadong sasakyan kung kaya’t hindi nakapagtataka na sumisikip ang daloy
ng trapiko sa Calapan.
Ilan lamang ang mga ito sa dahilan ng pagtataguyod ng
Administrasyon ni Mayor Leachon ng Aksyon Agad Traffic-Free City sa
pamamagitan ng Public Safety Department na pinamumunuan ni Mr. Nelson
Aboboto.
Ang J.P. Rizal Street ay isa lamang sa mga kalyeng
pagkikitaan at kapapansinan ng mga malaking pagbabago ukol sa pagsasaayos
at pagpapabilis ng daloy ng trapiko sa syudad. Ilan lamang sa mga gagawing
pagbabago sa naturang kalye ay ang No Left Turn policy; hindi na
pinahihintulutan na dumaan ang mga tricycle simula sa Sto. Nino Cathedral
hanggang sa may Commander Variety Store; truck ban; at lahat ng sasakyan
ay hindi na rin pinahihintulutan na mag-park o mag-U Turn sa kahabaan ng
naturang kalye. Maaari lamang huminto dito sa loob ng 10 minuto ngunit may
maiiwang driver sa sasakyan at hindi patay ang makina.
Isang dry-run ang gagawin simula sa ika-17 ng Setyembre
at sa kasalukuyan ay patuloy ng nakikipag-ugnayan sa ibat-ibang sektor sa
lungsod ang tanggapan ng PSD upang ipaalam sa mga Calapeno ang mga
gagawing pagbabago para sa isang Traffic-Free City.
Umaasa si Mayor Leachon na sa pagkakaroon ng Traffic- Free City sa
pakikipagtulungan ng lahat ng mamamayang Calapeno, higit na sisigla ang
industriya at komersyo sa Calapan.
|