|
Administrasyong
Leachon, Kasangga Ng Hero Sa Pagsagip Sa Kalusugan Ng Calapeno
released:
source: CIO Calapan City

Nitong nakaraang ika-19 ng Oktubre, pormal na inilunsad and Health
Education Reform Order (HERO) dito sa Lungsod ng Calapan sa
pangunguna ni City Mayor Doy C. Leachon at sa pakikipagtulungan ng
iba’t ibang ahensya sa lungsod.
Ang HERO ay isang nasyonal na programang pangkalusugan na
tinambalan ng edukasyon. Ito ay naglalayong sagutin ang ilan sa
mga isyung pangkalusugan sa bansa tulad ng (1) di
pagkakapantay-pantay ng oportunidad upang mapangalagaan ang
kalusugan; (2) ang napakalaking halaga ng gastos sa
pagpapa-ospital kapag may sakit; (3) at kawalan o kakulangan sa
mga propesyonal na taong magsisilbi sa mga komunidad upang
mapangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan. Ang mga usaping
ito ay inaasahang masasagot ng programang HERO na nakapaloob sa
Excutive Order 595 at opisyal na nilagdaan at sinuportahan ng mga
senador, kongresista, Department Secretaries at Malacanang noong
Disyembre taong 2006. Ang primerang alituntunin nito ay ang
makapagbigay ng angkop na edukasyon sa mga kabataang mag-aaral sa
bansa ukol sa tamang pangangalaga ng kalusugan at pag-iwas sa
sakit. Maiikintal ito sa isip ng mga bata sa pamamagitan ng
pagsama nito sa curriculum na itinuturo ng mga guro sa mga
mag-aaral.
Sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department (CHSD) na
pinamumunuan ni Dra. Basilisa Llanto at ng City Education
Department (CED) na pinangungunahan ni Mrs. Marilyn Manigbas,
naisagawa ng Administrasyon ni City Mayor Leachon ang
pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya tulad ng Department of
Education (DepEd), Department of Health (DOH) at mga lokal na
asosasyon sa Calapan tulad ng Oriental Mindoro Medical Society,
Philippine Dental Association-Oriental Mindoro Chapter, Rotary
Club of Calapan, Oriental Mindoro Media Club at Philippine Academy
of Family Physicians upang pormal ngang mailunsad ang HERO sa
Calapan.
Isang banal na misa ang naging hudyat ng pagsisimula ng aktibidad
na agad ay sinundan ng isang parade patungo sa Alfonso Umali
Gymnasium sa LEMNAHIS Compound. Sa naturang gym isinagawa ang
isang programa na dinaluhan ng mga mag-aaral at guro sa lungsod,
mga bisita mula sa Maynila at iba’t ibang ahensya sa Calapan.
Nagkaroon din ng isang Field Demonstatration Competition na
nilahukan ng Adriatico Memorial School, Calapan Central School,
DWCC at Luna Goco Colleges. Kasabay nito ay ang libreng
Medical-Dental Mission para sa mga mag-aaral sa elementarya.
Ang naturang programa ay kabilang sa Aksyon Agad Program ni Mayor
Doy naglalayong paunlarin at pangalagaan ang buhay ng mga Calapeno
sa pamamagitan ng mga kapaki-pakinabang na mga programa sa
kalusugan, edukasyon, trabaho at pabahay. Umaasa ang alkalde na
ang HERO ay lilikha ng pangmatagalan pagbabago, at mas malusog at
mas masiglang buhay ng mga mamamayan ng Calapan. |