|
‘Garbage-Free
City’ isinusulong ng Calapan; ‘Segregation at source’ paiigtingin
released: 9/27/2007
source: CIO
Garbage-Free City ang magpapatibay
ng proteksyon at rehabilitasyon sa kalikasan sa pamamagitan ng
nararapat na kontrol sa epekto sa kalikasan sanhi ng walang
pakundangang pagtatapon ng basura.
Ayon kay City Mayor Doy Leachon, and
programang Garbage-Free City ay naglalayong mapanatiling malinis
ang kapaligiran ng lungsod sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga
barangay at sustinidong programa sa pamamahala sa basura.
Tututukan din ng programa na
mabawasan ang pagdami ng basura at mahikayat ang resource
recovery, recycling at utilization.
“ Nais ng liderato ni Mayor Doy na
maikintal sa mga isip ng mga residente ang kanilang
responsibilidad sa lipunan at partisipasyon sa lokal na pamamahala
sa aspeto ng pamamahala ng basura.” ani Environment Chief Wilfredo
Landicho.
Ayon kay Landicho, and hangarin ay
tuluyang maipagbawal ang pagkakalat ng basura upang maiwasan ang
pagdami at paglipana ng mga organismong nagdadala ng sakit,
mabahong amoy, paglabas ng greenhouse gases na sanhi ng global
warming at pagkasira ng ozone layer, at polusyon sa lupa, hangin,
at tubig.
Ang programa ay para sa lahat ng
indibidwal, kabahayan, at komersyal na establisimyento.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng information and dissemination
campaign ng Anti-Littering Ordinance sa mga barangay ang City
Environment and Natural Resources Department. Sa pagbuo ng Aksyon
Agad Team- Anti Littering Unit, 16 na kawani ang nakatalaga mula
Cathedral hanggang Kapitolyo upang manghuli ng magkakalat at
maipaalala na sa Oktubre 8 magsisimula ang pagmumulta. Patuloy pa
rin ang streetsweeping, 6:00 AM – 10:00 AM at 5:00 AM – 9:00 PM,
mula Pier hanggang Brgy. Camilmil. Dalawang beses kada buwan na
rin ang general cleaning at deodorizing ng Pamilihang Lungsod.
Mula Oktobre 8, makikita nang naka-uniporme ang 100
streetsweepers at garbage collectors ng lungsod.
Ang programa ay magsisilbing giya at
kontrol sa pagdami ng basura sa pagkukunan, koleksyon, pagdadala,
at pagproproseso at pagtatapon ng basura. Sa Batino Controlled
Dumping Facility, 20 sako ng pataba ang nagagawa sa bagong
instilang Materials Recovery Facility sa pamamagitan ng 2
shredding machines.
Pinaaalala ng CENRD ang pagkakabuo
ng Anti-Astray Animal Team kung kaya’t pinakikiusapan ang mga may-ari
ng mga alagang hayop na itali at huwag hayaang gumala ang kanilang
mga alaga upang maiwasang magkalkal ng basura sa mga lansangan. |