Sistema sa Pamilihang Lungsod, isasaayos
released: 9/26/2007
source: CIO
Agad naging prayoridad ni City
Mayor Doy C. Leachon na isaayos ang pampublikong pamilihan matapos libutin
ang naturang lugar noong unang araw ng kanyang panunungkulan. Kaya naman
bahagi ng kanyang Aksyon Agad Program ang magtalaga ng Market
Administrator upang higit na masiguro na magiging maayos ang kondisyon ng
palengke. Dahil dito, nahirang si City Trade and Industry Officer Joey
Benter na hawakan ang mapanghamong responsibilidad.
Batid ng Punong Lungsod na malaking income generating project ang nasabing
pamilihan. Ngunit malaking hadlang upang mas mapasigla sa merkado ang
pamilihan kung mananatili ito sa kanyang kasalukuyang kondisyon. Kaugnay
nito, minarapat ni G. Benter na magsagawa ng pag-aaral upang makabuo ng
mga istratehiyang maglalagay sa pangkalahatang kaayusan ng pamilihan.
Batay sa isinagawa nilang paglilibot sa buong kabuuan
ng palengke, nakita niya na bukod sa ilang rehabilitasyon pang-imprastraktura
kinakailangang magkaroon ng maayos na pamamahala. Dagdag pa niya,
kailangang mabigyang solusyon ang lumalaking bilang ng mga ambulant
vendors, mabigyan ng ligal na aksyon ang mga delinquent stallholders, ang
lumalalang trapiko, kawalan ng Market Code at ang problema sa kalinisan.
Nagkaroon rin ng serye ng pagpupulong sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod at
ng mga samahang manininda sa pamilihan upang maipakita ang hangaring
mabigyan ng tugon ang mga idinudulog at nakitang problema.
Matapos ang mga nasabing pag-uusap, maayos na nailatag
ang mga pagbabagong paiiralin sa loob at labas ng pamilihan. Bagamat
tahasan itong ipatutupad, ito naman ang mga pagbabagong sasagot sa
kasalukuyang kalagayan ng palengke.
Makikita na hindi nagpapabaya ang Administrasyong
Leachon sa mga problema ng lungsod. Ang tanging hangad lamang ay
kooperasyon, pakikisama at pagpapa-iral ng disiplina mula sa mga
mamamayang Calapeņo.