
ATTY. RAF
INFANTADO, BISE-ALKALDE: SUBOK SA DE-KALIDAD NA SERBISYO PUBLIKO
Para kay Atty. Rafael Landayan Infantado, ang pag-upo niya bilang
bise-alkalde ng Lungsod ng Calapan ay isang magandang pangarap na
hindi niya akalaing mabibigyan ng katuparan sa ganito kadaling
panahon. Ngunit ang katuparan nito ay bunga na rin ng matibay na
pundasyon na itinatag niya sa larangan ng serbisyo publiko.
Sa edad na 46, masasabing maagang narating ni Vice Mayor Raf
Infantado ang mataas na posisyong kanyang hinahawakan ngayon.
Ngunit kung isasaalang-alang ang matagal niyang panunungkulan sa
gobyerno, walang maaaring magsabing siya ay bubot pa para sa
posisyon. Simula pa noong taong 1989 ay naglilingkod na siya sa
pamahalaan noon bilang Secretary ng Sangguniang Bayan ng Naujan.
Tuluy-tuloy na ang naging paglilingkod niya hanggang siya din ay
maging Secretary ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro
(1992-1994) at Provincial Legal Officer (1994-1995). Taon din ng
1995 nang siya ay magpasiyang pumasok sa pulitika at dahil sa
kaniyang angking talino at galing ay nahirang agad siyang Board
Member ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro. Dahilan sa
kanyang kahanga-hangang accomplishments sa Sangguniang
Panlalawigan, siyam na taon siyang naging miyembro nito sa tiwala
ng mamamayan ng Oriental Mindoro. Kaya naman ng matapos niya ang
tatlong termino bilang Board Member at nagpasiya siyang tumakbo
bilang City Councilor ng Calapan noong taong 2004, hindi siya
binigo ng mga Calapeño.
At noon ngang May 14 elections ay naipakitang muli ang tiwala ng
mga mamamayan ng Calapan sa galing ng batang abogado nang siya ay
ihalal na bise-alkalde ng lungsod.
Kaakibat ng pribilehiyong ibinigay sa kanya ng mga Calapeño ay ang
malaking responsibilidad na pamunuan ang Sangguniang Panlungsod
(SP). Hindi madali ang mga hamon lalo’t maraming mga bagay na
kailangan ng agarang atensiyon. Unang-una dito ang pagsasaayos na
kailangan sa loob ng Sanggunian. Naging abala si Vice Mayor Raf
Infantado sa pagtukoy ng mga solusyon sa mga problema sa pisikal
na kondisyon ng Legislative Building tulad na lamang ng
pagsasaayos ng mismong Session Hall at ng iba pang parte ng
Legislative Building tulad ng public CR at pagpapadaloy ng mas
mainam na water supply sa gusali. Nais ni Vice Mayor Raf na maging
maganda ang gusali ng SP hindi lamang sa labas kundi higit lalo sa
loob nito.
Isa pa sa naging priyoridad ng bise alkalde ay ang pagpapabuti o
upgrading ng organizational structure ng Sanggunian. Naniniwala si
Vice Mayor Raf na mahalagang pagtuunan ng pansin ang development
ng bawat empleyado ng SP at mailagay sila sa posisyon kung saan
sila ay makakapagtrabaho ng maayos at naaayon sa kanilang
kwalipikasyon. Sa ganitong pamamaraan, makatutulong na siya sa
personal and career advancement ng mga empleyado, maitataas pang
lalo ang kalidad ng serbisyo-publiko sa Sanggunian.
At hindi lamang siya bise-alkalde, siya rin ang Presiding Officer
ng Sangguniang Panlungsod. Maliban sa mga kawani ng SP,
pangungunahan din niya ang labindalawang (12) City Councilors ng
Sanggunian. Masasabing hamon para sa kanya na pamunuan ang 12
konsehal na nagmula sa iba’t-ibang partido at pananaw. Subalit
naniniwala pa rin siya na mananaig ang nagkakaisa nilang layuning
makapaglingkod sa mga Calapeño at hindi mga pansariling interes at
kapakanan ng partikular na grupo lamang. Gayundin, nangangako si
Vice Mayor Infantado na ang SP ay susuporta sa mga adhikain ng
Executive Department basta para sa kapakanan at kagalingan ng mga
Calapeño.
“Ang tiwalang ipinagkaloob sa akin ng aking mga kababayan ay hindi
ko ipagsasawalang-bahala. Hindi ko kayo bibiguin,” ang pahuling
mensahe ng bagong hirang na bise-alkalde. |